Target ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na makapaglabas ng P100 milyon kada linggo hanggang sa tuluyang mabayaran ang natitira pa nilang utang sa Philippine Red Cross (PRC).
Ayon kay PhilHealth Spokesperson Rey Baleña, nasa P377 milyon na lang ang balanse ng ahensya matapos na makapagbayad ng kabuuang P700 milyon.
Pinasalamatan din niya ang PRC sa pagpapatuloy ng COVID-19 testing nito kasunod ng paunang P500 milyong ibinayad ng PhilHealth noong October 27.
Matatandaang hinimok ni PRC Chairperson Senator Richard Gordon ang PhilHealth na agad bayaran ang balanse nito para hindi na madagdagang muli ang kanilang utang.
Iginiit din ni Gordon na hindi mukhang pera ang PRC kasunod ng naging batikos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa humanitarian organization.
Aminado naman si PRC Governor Corazon Alma De Leon na nasaktan ang kanilang mga volunteers sa naging tirada ng Pangulo.
“Ang remark niya mukhang pera, syempre ang nasaktan d’yan ‘yong mga volunteer. Kasi sa totoo lang ang perang ginagamit ay para sa gamit sa programa pero beyond that maraming volunteers ang nagre-render ng service sa Red Cross kaya nga nakakarating sa mga most vulnerable areas,” saad ni De Leon.
Samantala, nagpaabot na rin ng tulong ang Red Cross sa mga pamilyang sinalanta ng magkakasunod na bagyo.
“Kaiba ngayon ang programa ng Red Cross, mas family-oriented at tsaka mas total ang approach, nagsisimula sa relief, restoration, pati mga bahay. May cash for work din sila and then, housing materials,” ani De Leon sa interview ng RMN Manila.