Nakatakdang magbayad ngayong linggo ng ₱219 million ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Philippine Red Cross (PRC).
Ito ay kabawasan sa mahigit ₱800 million pang utang ng PhilHealth sa PRC para sa mga ginagawa nitong COVID-19 testing.
Sa interview ng RMN Manila, tiniyak ni PhilHealth spokesperson Rey Baleña tuloy-tuloy ang pagbabayad nila ng PRC.
“Nakapagbayad na tayo ng kabuuang ₱4.2 billion sa mga claims ng Red Cross at sabi ko nga, ngayong linggo lang magre-release tayo, to be exact, ₱219 million yan,” saad ni Baleña.
“Ang aming target weekly ay makapagproseso kami ng mga worth ₱200 million so sa lalong madaling panahon, yan ay aming maa-update na sa Philippine Red Cross,” dagdag niya.
Kasabay nito, nilinaw ni Baleña na sa ₱800 milyong utang na sinasabi ng PRC, higit P200 milyong halaga ng claims dito ang kinailangan nilang ibalik sa Red Cross dahil mayroong depekto.
May claims kasi aniya na hindi nila maaaring bayaran dahil sa kawalan ng pin o kaya ay kwestiyonable ang pangalan.
“Doon sa aming pagpo-process, meron at merong claims talaga na kailangan po na aming ibabalik dahil sa deficiencies. So, hindi naman po marapat na ito ay babayaran natin nang may depekto.
Kaya nananawagan kami sa PRC, gaya ng aming panawagan sa ibang accredited facilities na sana maisaayos po ito para tuloy-tuloy din naman ang ating processing.”