Magpapatupad ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng bagong benefit package para sa COVID-19 testing.
Ayon sa Philhealth, ibinase nila ito sa mga naging konsultasyon sa kanilang mga stakeholders, mga infectious disease experts, sapat na suplay at mababang presyo ng mga testing kits sa merkado at ang pagdami ng mga kwalipikadong SARS-CoV-2 testing facilities.
Batay sa inaprubahang benefit package ng Philhealth Board of Directors, ang lahat ng serbisyo para sa testing na isasagawa sa mga laboratoryo ay magkakahalaga ng P3,409.
Habang ang mga testing kits na dinonate sa testing laboratory ay may halagang P2,077 kung saan kasama na rito ang P901 para sa paggamit ng testing laboratory at RT-PCR machine.
Nilinaw naman ng ahensya na ang package ay para sa ginastos sa pagsusuri kabilang ang clinical assessment, specimen collection, specimen transport, Personal Protective Equipments (PPE) at test kits.
Tiniyak ng Philhealth na magiging epektibo ang nasabing bagong benefit package oras na mailabas nila ang guidelines para dito.