Inamin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na mayroon silang tatlong pangunahing kinakaharap na isyu kaya hanggang ngayon ay may problema pa rin sa mga hindi pa nababayarang claims sa mga ospital.
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on North Luzon Growth Quadrangle, sinabi ni Philhealth Area Vice President for Area 1 Walter Bacareza na kabilang sa mga isyu ay ang polisiya ng korporasyon, problema sa information technology o IT at kakulangan sa manpower.
Tinukoy sa pagdinig na may system software issues ang ahensya na siyang nagiging dahilan ng pagkaudlot sa cash reimbursements claims ng mga ospital at iba pang healthcare providers.
Sinabi pa ni Bacareza na taong 1999 pa mula ng una siyang pumasok sa PhilHealth ay problema na ang IT system gayundin ang kakulangan sa mga tauhan at sahod ng mga empleyado.
Magkagayunman, kanila na itong hinahanapan ng solusyon at isa sa tinitingnan dito ay ang pakikipag-ugnayan sa mga eksperto, government to government partnership, country to country arrangement at Public Private Partnership o PPP.
Sa ngayon aniya ay nakikipag-ugnayan na ang PhilHealth sa South Korea at France para mapaghusay ang IT system ng PhilHealth.