Nilinaw ng Philippine Red Cross (PRC) na hindi pa maaaring ma-avail ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang COVID-19 saliva PCR test dahil hindi pa ito kasama sa benefit package.
Ayon kay PRC Chairperson Senator Richard Gordon, kailangang aprubahan muna ito ng Department of Health – Health Technology Assessment Council (DOH-HTAC) bago nila ilunsad ang test sa publiko.
“Nagtataka lang ako pinayagan kami ni Secretary Duque kaagad. Tapos ay may nakalimutan kailangan dumaan pala kayo dito sa tinatawag na Health Technology Assessment na matagal na nandun ‘yan nung Oct. 17, hindi ko sila tinutuligsa pero sana naman may konting sense of urgency,” ani Sen. Gordon sa isang programa sa radyo.
Dismayado si Gordon dahil nababagalan siya sa aksyon ng DOH.
“Hindi naman tama na mabagal sila, kaya I call a spade a spade. So ‘yun ang magiging problem hanggang matapos sa HTAC, yung Health Assessment Council, ay puro muna private,” dagdag pa ni Gordon.
Ang PRC ay nakapagsagawa na ng 1.8 million COVID-19 test at nakatakda silang lumagda ng kasunduan sa mga mall owner para sa pagsasagawa ng saliva test sa mga malalaking shopping malls sa buong bansa.
Handa rin ang PRC na bumaba sa mga barangay, pabrika at sa mga eskwelahan.
Sa ngayon, ang kinokolekta munang saliva samples ay mula sa “out-of-pocket,” kung saan nasa 300 hanggang 400 test lamang ang kanilang nasusuri.
Kapag nailagay sa PhilHealth package ang saliva testing ay inaasahang aabot sa 8,000 test ang magagawa ng PRC kada araw sa Metro Manila.