agbayad ang PhilHealth ng kabuuang P137.6 bilyon sa mahigit 12,000 accredited health care facilities nito sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Oktubre 31, 2024 sa bilis na 25 araw.
Ang nasabing bayad ay P37.6 bilyon o 37.7 porsiyentong mas mataas kumpara sa P99.9 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Samantala, ang 25 araw processing time ay 35 araw mas mabilis kumpara sa 60 araw na itinakda sa Republic Act No. 10606.
“Ang tuloy-tuloy na pagbabayad at mabilis na pagproseso ng claims ay bahagi ng aming pangako ng mahusay na suporta sa aming health care partners. Malaking tulong ito para mapanatili ang suplay ng mga gamot, mapasahod ang mga health worker, at patuloy na mapagbuti ang mga pasilidad,” paliwanag ni PhilHealth President at CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr.
Kinilala naman ng mga malalaking organisasyon gaya ng Philippine Hospital Association (PHA) at Private Hospital Association of the Philippines, Inc. (PHAPi) ang pagbabagong ito sa PhilHealth. Ayon kay PHA President Dr. Jose P. Santiago, Jr., “Marami nang pagbabago sa mga nakaraang buwan tungkol sa pagbabayad ng PhilHealth sa mga ospital. Personal silang bumibisita sa mga ospital sa ibat ibang rehiyon para mag-reconcile at alamin ang mga problema. Dahil dito, nababawasan na ang negatibong issues at nagkakaroon kami ng magandang relasyon. Ramdam na namin ang pagbabago.”
“Sa nakalipas na ilang buwan, nakita namin ang makabuluhang pagbuti sa pagproseso ng claims. Pinatutunayan at kinikilala ng mga ospital ang positibong pagbabagong ito,” pahayag naman ni PHAPi President Dr. Jose Rene De Grano sa inisyatibong ito ng ahensiya.
Kasalukuyang tinitingnan ng PhilHealth ang posibilidad na gamitin ang Artificial Intelligence (AI) para lalong pabilisin pa ang pagproseso ng claims. Ayon kay Ledesma, katatapos lang ng kanilang pag-aaral sa posibleng maitutulong ng AI sa bahaging ito ng kanilang operasyon. “Naniniwala kami na sa suporta ng aming mga healthcare partner, ito ay malapit nang maganap.”
Umapela din ang hepe ng PhilHealth sa mga pasilidad na mamuhunan sa kanilang mga empleyado para matiyak na mabawasan ang sinasauli o dine-deny na claims. “Mahalaga na kumpleto at maayos ang claim na isinusumite sa PhilHealth para maiwasan ang bumabalik na claims dahil sa kakulangan sa dokumento o pagkakaiba sa mga entry; hindi kumpleto, hindi pare-pareho o hindi nababasa ang mga dokumento, at hindi maayos o nakumpletong mga claims form”.
Hindi naman binabayaran ang mga claim dahil sa late filing/re-filing, hindi sakop na mga kaso, at confinement ng pasyente habang may isyu sa accreditation ng ospital.
“Responsibilidad namin na suriing mabuti ang bawat claim dahil itinakda ito ng batas para tiyakin na ang pondong ipinagkatiwala sa amin ng mga miyembro ay nagagastos nang maingat,” diin ni Ledesma.
Upang mabawasan ang insidente ng returned o denied na mga claim, nakikipag-ugnayan ang PhilHealth sa mga ospital sa buong bansa upang ipaalam ang mga bagong patakaran sa tamang pagproseso ng claims. Nagsasagawa din sila ng claims reconciliation.
“Patuloy ang pagsisikap ng PhilHealth na maipaalam sa ospital ang status ng kanilang claims. Naniniwala kaming ilalagay nito sa tamang perspektibo ang isyu ng diumano’y hindi namin pagbabayad. Ang PhilHealth ay pinamamahalaan ng mga batas at mga tuntunin ng state auditing upang matiyak na ang bawat piso ay ginagastos nang maingat at transparent,” giit ng PhilHealth Chief.