Naglabas na ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng ₱500 million bilang partial payment sa Philippine Red Cross (PRC).
Sa statement, sinabi ng PhilHealth na pinamamadali na nila ang pagpoproseso ng natitirang balance kasunod ng mahigpit na pagtalima sa accounting rules at regulations ng pamahalaan.
Tiniyak din ng state health insurer na babayaran nila ang mga laboratoryo na inatasang tumulong sa testing requirements ng Overseas Filipino Workers (OFW) at iba pang returning Filipinos, na orihinal na nakatalaga sa PRC.
Ayon kay PhilHealth President and Chief Executive Officer Dante Gierran, pinapahalagahan nila ang kontribusyon ng mga bawat miyembro.
Pagtitiyak din ni Gierran na patuloy nilang poprotektahan ang mga miyembro at kanilang pondo.
Matatandaang inihinto ng PRC ang pagsasagawa ng COVID-19 test na sagot ng PhilHealth matapos sumampa sa higit isang bilyong piso ang utang nito.
Sakop ng PRC ang 30% ng kabuoang COVID-19 test na isinasagawa sa buong bansa.