PhilHealth, naglabas ng karagdagang P100 million pambayad sa Red Cross

Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na nagbayad muli sila sa Philippine Red Cross (PRC) ng karagdagang ₱100 million para sa COVID-19 test.

Sa statement, sinabi ni PhilHealth President and Chief Executive Officer Dante Gierran na naglabas sila ng ₱100,003,015 sa PRC.

Pinabibilisan na rin ang validation ng claims para ma-reimburse ang COVID-19 tests na isinasagawa ng PRC bilang suporta sa kampanya ng pamahalaan na makontrol ang epekto ng pandemya lalo na sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).


Sa isang panayam, sinabi ni PhilHealth Spokesperson Rey Baleña na aabot na lamang sa ₱377 million ang utang ng ahensya sa PRC.

Nitong October 27, nagbayad ang PhilHealth ng ₱500 million para mabayaran ang kalahati ng outstanding balance nito sa PRC na nagkakahalaga ng ₱1.1 billion.

Matatandaang ibinalik ng PRC ang operasyon nito sa pagsasagawa ng COVID-19 tests na sagot ng PhilHealth nitong October 28 matapos suspendihin noong October 15 dahil sa utang ng state health insurer.

Facebook Comments