PhilHealth, nagsumite na ng report sa NPC tungkol sa ransomware attack sa kanilang website

Nakumpleto na ng Philippine Health Insurance Corporation ang kanilang comprehensive report tungkol sa ransomware attack sa kanilang website.

Ayon kay PhilHealth Senior Vice President Dr. Israel Francis Pargas, nasumite na nila sa National Privacy Commission (NPC) ang report.

Ito’y matapos ang ginawang pagbisita ng mga Information Technology Officer ng NPC sa PhilHealth kahapon.


Binigyang diin pa ni Pargas, na base sa kanilang imbestigasyon, walang nag-leak na Personal at Medical Information ng kanilang mga miyembro.

Napag-alaman na kasama sa report na hinihingi ng NPC sa PhilHealth ay ang comprehensive account ng nangyaring breach, kasama ang mga personal data na posibleng nakompromiso at mga hakbang na ginagawa nila para hindi na maulit pa ang insidente.

Matatandaang September 22 nang atakihin ng Medusa ransomware ang PhilHealth.

Paliwanag pa ni Pargas, na sa ngayon ay nasa Final Certification na sila para ma-restore o mabalik ang buong sistema ng PhilHealth.

Facebook Comments