PhilHealth, nahaharap sa bagong isyu dahil sa umano’y iligal na pagpapalabas ng higit P200 milyong hazard pay ng kanilang mga empleyado

Ibinunyag ngayon ng Commission on Audit (COA) ang umano’y iligal na pagpapalabas ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng P291 million na halaga ng hazard pay sa kanilang mga empleyado.

Sa 2019 annual audit report ng COA, nadiskubre na nakatanggap ng P236 million na hazard pay ang mga regular employees habang P55 million naman para sa mga casual employees.

Ang nasabing pondo ay inilabas at ibinigay noong 2016 hanggang 2019 kahit pa nilalabag nito ang Republic Act 7305 o ang Magna Carta for Public Health Workers (PHW) at iba pang rules and regulations.


Ipinaliwanag ng COA na ang pagpasa sa Universal Health Care Law kung saan nakasaad na ang mga empleyado ng PhilHealth bilang health workers, ang kanilang entitlement para sa benefits at allowances kabilang na ang hazard pay na nasa ilalim ng Magna Carta ay hindi ganap dahil sasailalim pa rin ang naturang batas sa provisions at regulations.

Sinabi pa ng COA na nabigo ang PhilHealth na mapatunayang nalantad sa anumang panganib ang kanilang empleyado kung saan dapat itong malaman ng Secretary of Health o ng sinumang namumuno sa ahensiya bago bigyan ng approval.

Iginiit naman ng PhilHealth na ang kanilang mga opisyal at empleyado ay maaring makatanggap ng hazard pay lalo na’t kinikilala sila bilang public health worker sa ilalim ng UHC Law kung saan ang kanilang trabaho gayundin ang pamumuhay ay nalalantad sa panganib.

Facebook Comments