Nangako si Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President Dante Gierran na babayaran nila ang lahat ng mga lehitimong claims ng mga ospital at iba pang health service providers sa lalong madaling panahon sa paraang naaayon sa batas.
Inihayag ito ni Senator Christopher “Bong” Go na siyang Chairman ng Senate Committee on Health.
Ayon kay Go, halos araw-araw nyang pinapaalalahanan ang PhilHealth, National Task Force (NTF) Against COVID-19 at government finance managers na sundin agad ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na bilisan ang kanilang proseso.
Ito ay para hindi maantala ang operasyon at serbisyong medikal na kailangan ng taumbayan lalo na ngayong may pandemya.
Binaggit ni Go na base sa huling update ng PhilHealth, ₱4.22 bilyon na ang ibinayad nito mula sa ₱7 bilyong claims ng mga healthcare facilities sa National Capital Region Plus area.
Sa natitirang higit kumulang ₱3 bilyon, kailangang maisumite ng mga claimant-hospitals ang pirmadong Letters of Undertaking na requirement ng Commission on Audit (COA) upang mabayaran sila agad at maiwasan ang mga fraudulent claims.
Apela ni Go sa mga ospital, at iba pang healthcare providers sundin lang ang tamang proseso at sa PhilHealth naman ay huwag ng patagalin pa dahil ngayon ay mahalaga ang malasakit at bayanihan dahil buhay ng kapwa nating Pilipino ang nakasalalay.