Nangako ang pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na babayaran nila sa mabilis na panahon ang kanilang pagkaka-utang sa mga private hospitals.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni PhilHealth Corporate Communications Senior Manager Rey Baleña na committed ang PhilHealth sa pagbabayad ng kanilang mga utang at hindi nila ito tatalikuran.
Panawagan lamang nito sa mga partner hospitals ng PhilHealth na bigyan sila ng sapat na panahon upang maproseso ang mga claims.
Sadyang apektado lamang sila ng pandemya kung kaya’t nagkaroon ng pagka-antala sa pagproseso ng mga claims dahilan para maantala rin ang kanilang pagbabayad.
Sa ngayon, nagdagdag na sila ng human resource personnel nang sa ganon ay maging mabilis ang proseso.
Matatandaang una nang nanawagan ang Palasyo sa PhilHealth na bayaran na ang nasa P20-B unpaid claims ng mga pribadong ospital lalo na’t nagbanta ang ilan dito na kakalas o hindi na mag-re-renew ng kanilang akreditasyon sa nasabing ahensya sa susunod na taon.