Pinangangambahan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na kapusin sila sa pondo para sa mga proyekto nito sa susunod na apat na taon.
Ayon kay PhilHealth President at CEO Ricardo Morales, simula Abril hanggang Mayo, lumaki ang gastos ng ahensya pero lumiit naman ang koleksyon nito.
Naapektuhan din ang PhilHealth ng liquor ban kung saan may bahagi ng sin tax ang dapat na napupunta sa ahensya.
Pero paglilinaw ni Morales, sapat ang reserve fund ng PhilHealth kaya walang dapat ipag-alala ang publiko dahil ma-a-avail pa rin nila ang mga health benefits.
Kasabay nito, binigyang-diin ng opisyal ang kahalagahan ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya para makakulekta na ng buwis ang pamahalaan at maisalba ang nanganganib na pondo ng ahensya.
Inirekomenda rin ni Morales na ipagpaliban muna ang implementasyon ng Universal Health Care Law at expansion ng Primary Health Care Benefit.