Ang Philippine Health Insurance Corporation ay kaisa ng Pangulong Rodrigo Duterte sa layunin niyang maibsan ang pasanin ng maraming Filipino na naapektuhan ng kasalukuyang pandemya. Bilang tugon sa kaniyang direktiba, ang PhilHealth ay patuloy pa ring mangongolekta ng kontribusyon mula sa Direct Contributors gamit ang 3 percent sa halip na 3.5 percent contribution rate; at P60,000 sa halip na P70,000 ceiling sa taong ito.
Ito ay ipapatupad hanggang sa ang Kongreso ay makapagpasa ng bagong batas na magpapahintulot na ipagpaliban ang nakatakdang premium adjustment sa ilalim ng Universal Health Care Act ng 2019. Sakaling walang maipasang bagong batas para rito ay ipagpapatuloy ng state health insurer ang nakatakdang premium rate at ceiling ayon na rin sa UHC law.
Batid ng PhilHealth ang malubhang sitwasyon na nakaapekto sa buhay ng marami at maging sa ekonomiya ng bansa. Dahil dito ay gagawin ng PhilHealth ang lahat ng magagawa nito upang makatulong na pagpapagaan ng kalagayan ng mga Filipino lalo na sa kanilang kapakanang pangkalusugan.
Ang PhilHealth ay makikipagtulungan sa Mababang Kapulungan at sa Senado para sa pinakamabuting solusyon sang-ayon sa mga umiiral na batas.
Facebook Comments