Ikinukonsidera ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang paglalabas ng emergency cash advance sa mga ospital para matulungan ang mga ito na makaresponde sa COVID-19 pandemic.
Ito ay tatawaging Interim Reimbursement Mechanism (IRM), kung saan binibigyan ang mga ospital at iba pang health facilities ng emergency fund para patuloy nilang naihahatid ang health care services sa panahon ng pandemya.
Ayon sa PhilHealth, ire-review nila ang bawat utilization ng mga ospital sa unang tranche at hihikayatin sila na i-liquidate ang pondo para maging eligible sila para sa ikalawang tranche.
Sakop ng second tranche ng IRM funds ay ang mga COVID-19 hospitals sa National Capital Region (NCR), Pampanga, Olongapo, Tarlac, Bataan, CALABARZON at Central Visayas, kung saan nakapagtala ng mataas na kaso ng COVID-19 at naabot na ng ilang ospital ang kanilang full capacity o maaabot pa lamang ang critical levels.
Magbibigay ang PhilHealth sa mga ospital ng cash advance katumbas ng tatlong buwang halaga ng claims batay sa kanilang 2019 data.
Ang PhilHealth ay nakapagpalabas na ng ₱14.7 billion sa 681 hospitals sa bansa sa ilalim ng unang tranche ng IRM aid.