Plano ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na dagdagan ang primary care facilities sa bansa ngayong taon hanggang sa 2021.
Sa budget deliberation ng Department of Health (DOH) sa Kamara, sinabi ni PhilHealth Senior Vice President Nerissa Santiago na target nilang makapag-accredit ng 1,200 primary care facilities bago matapos ang 2020, habang 5,000 sa susunod na taon upang masakop ang lahat ng mga Pilipino ng primary care services.
Sinabi pa ni Santiago na plano nilang ilabas ang circular para sa expansion ng pasilidad sa primary care services sa katapusan ng Setyembre at sa last quarter naman ng taong ito ay maaari nang makapagparehistro ang mga miyembro nito.
Samantala, mas mataas ng 27% ang budget ng DOH na nasa ₱204 billion kumpara sa ₱176 billion ngayong 2020.
Mas malaking pondo naman ang ilalaan ng DOH-OSEC sa social health protection na nasa ₱117.39 billion na sinundan ng access at pagpapabuti ng promotive at preventive health care services na nasa ₱51.45 billion at pag-ibayo ng curative at rehabilitative health care services na nasa ₱47.70 billion.