PhilHealth premium hike, ipinasususpindi pa rin sa kabila ng implementasyon nito

Pinasususpindi ni Assistant Minority Leader at ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro ang dagdag na kontribusyon sa premium ng PhilHealth sa kabila ng implementasyon nito ngayong buwan ng Hunyo.

Ayon kay Castro, kanilang igigiit ang suspensyon ng pagtataas sa kontribusyon ng PhilHealth sa gitna na rin ng walang tigil na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin, pangangailangan at serbisyo.

Sinabi ng kongresista na dahil sa premium hike, nahirapan na ang mga guro na magbayad ng utang lalo’t maliit lang ang sahod ng mga ito.


Tinukoy ng mambabatas na marami sa mga guro ay aabot lamang sa P5,000 ang “net take home pay” at kung ikakaltas pa ang dagdag na premium sa state health insurer ay makakaapekto ito sa iba pang binabayarang utang at pang-araw araw na pangangailangan ng mga guro.

Pinangangambahan na mas mababaon sa utang ang mga guro dahil sa domino effect ng premium hike sa mga bayarin.

Muling ihahain ng Makabayan ang panukalang suspensyon sa PhilHealth premium hike at umaasang ipaprayoridad at mamadaliin ito ng 19th Congress.

Facebook Comments