Pinakawalan na si Philippine Health Insurance Corporation Senior Manager for Corporate Communication Rey Baleña matapos makapagpiyansa nang arestuhin dahil sa kasong cyber libel.
Inatasan ni Executive Judge Danilo Cruz ng Pasig City Regional Trial Court Branch 152 ang mga pulis na palayain si Baleña matapos magpiyansa ng halagang P30,000.
Matatandaan na inaresto ng mga operatiba noong Lunes si Baleña sa City State Center, Shaw Boulevard, Pasig City at pansamantalang nakadetine sa Pasig City Police Station.
Inaresto si Baleña makaraang magpalabas ng Warrant of Arrest na inisyu ni Judge Ramon Daomilas Jr. ng Cebu City Regional Trial Court 7th Judicial Region Branch 11.
Sa naging pahayag ng PhilHealth, sinabi nito na inaresto si Baleña dahil sa reklamong cyber libel na isinampa ng kaniyang kasamahan sa Cebu City dahil sa umano’y libelous material na ipinakalat sa pamamagitan ng agency’s e-mail service noong taong 2019.
Nagsampa ng “not guilty” si Baleña sa naturang asunto at iginiit na mali at hindi patas ang pagkakasangkot sa kaniya sa naturang insidente.
Paliwanag ni Baleña, ipinaubaya na niya sa korte ang buong katotohanan na isinasangkot lamang siya.