Hindi na itutuloy ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang nakatakdang taas kontribusyon sa mga miyembro nito.
Ito ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang pagpapatupad ng contribution hike.
Ayon kay PhilHealth President Dante Gierran, patuloy pa ring mangongolekta ng premiums mula sa mga direct contributors ng nasa 3% sa halip na 3.5% na contribution rate.
Mananatili sa ₱60,000 ang ceiling sa halip na ₱70,000.
Pero nilinaw ni Gierran na itutuloy pa rin nila ang dagdag kontribusyon kapag walang inilabas na bagong batas ang Kongreso na nagpapaliban sa contribution hike.
Giit ni Gierran, nakasaad sa Universal Health Care Law ang scheduled premium adjustment.
Gayumpaman, kaisa ang PhilHealth sa mga hakbang ni Pangulong Duterte na maibsan ang pasanin ng nakararaming Pilipinong apektado ng pandemya.