Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Senado na mananatiling aktibo ang ‘fund life’ ng state health insurer at walang dapat na ikabahala ang mga miyembro.
Ang garantiyang ito ay ibinigay ng PhilHealth sa pagdinig ng Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprises kaugnay sa programa, serbisyo, pinansyal na kalagayan at actuarial life ng ahensya.
Taliwas sa naunang pagtaya ng PhilHealth na hanggang 2027 lang ang pondo ng ahensya, sinabi ni PhilHealth OIC President at CEO Atty. Eli Dino Santos na mananatili ang PhilHealth at siniguro na makakamit nito ang mga obligasyon, mga plano at patuloy na gagana ang PhilHealth at hindi ito kailanman magsasara.
Ang ‘fund life’ ng PhilHealth ay depende naman sa kung paano pangangasiwaan ang mga kita at gastos nito.
Pero tiniyak naman ni Santos na kayang-kaya ng PhilHealth na i-manage ang income at expenses at wala ring limitasyon sa lifespan nito.
Aniya, sa pamamahala ng kita ay mayroong national government subsidy, kontribusyon mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), kontribusyon mula sa employed sector gayundin ang iba pang investments.
Sa mga gastusin naman ay kaya ring pangasiwaan ng PhilHealth dahil mayroong benefit payouts mula sa partner providers at pinalawak din ang benepisyo sa ilalim ng Universal Health Care Law.
Nagpasalamat naman si Committee Chairman Senator Alan Peter Cayetano sa PhilHealth ngunit iginiit nito na tungkulin ng state health insurer na kalampagin ang gobyerno sa kinakailangang pondo kahit pa kampante ang PhilHealth sa fund life nito.