Bilang pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Korea, magsasagawa ng friendship flight ang Philippine Air Force (PAF) at Republic of Korea Air Force.
Bahagi ito ng serye ng mga aktibidad na isasagawa mula March 3 hanggang 5 sa Clark Air Base, Mabalacat City, Pampanga.
Tampok sa tatlong araw na aktibidad ang araw-araw na aerial exhibition ng tanyag na Black Eagles acrobatic team ng Republic of Korea Air Force kung saan ipapamalas ang kanilang precision aerial maneuvers gamit ang T-50B aircraft.
Sasabayan naman ng FA-50 Fighters ng PAF ang Black Eagles sa demonstrasyon ng pagkakaibigan at kooperasyon, kung saan inaasahan ang pagdalo ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro bilang panauhing pandangal.
Ang nasabing aktibidad ay bukas sa publiko mula March 4 hanggang 5, kung saan kailangan lamang magpa-rehistro sa PAF Facebook Page.