Manila, Philippines – Kumbinsido ang Philippine Air Force na hindi pilot error ang dahilan ng pagbagsak ng helicopter nito sa Tanay, Rizal kahapon kung saan tatlong sundalo ang nasawi.
Ayon sa tagapagsalita ng Philippine Air Force na si Col. Antonio Francisco Jr. – pawang mahuhusay at mga beterano ang sakay ng uh1d – 8469.
Bukod dito, iisa lang naman aniya ang pattern ng paglipad ng naturang helicopter mula simula hanggang matapos ang air to ground operation training.
Kabilang rin sa tinitingnang dahilan ng aksidente ay ang lagay ng panahon, peligrodong elemento sa paligid at kondisyon ng makina ng chopper.
Dagdag pa ni Francisco, malaking tulong sa kanilang imbestigasyon ang impormasyong makukuha nila mula sa co-pilot at survivor na si first Lt. Ceazar Rimas.
Kaugnay nito, hindi muna papayagang lumipad ang 11 iba pang uh1d ng Air Force.
Matapos bigyang-pugay kahapon, dinala na sa kani-kanilang probinsya ang mga labi ng nasawing sundalo na sina captain christian paul litan at dalawang crew na sina Philippine Air Force Sgt. Byron Tolosa at gunner airman first class Joseph De Leon.
DZXL558