
Pinasinayaan ng Philippine Air Force (PAF) ang kauna-unahang 2-in-1 Full Motion Flight Simulator (FMFS) at training facility kahapon sa Brigadier General Benito N. Ebuen Air Base, Lapu-Lapu City, Cebu.
Pinangunahan ni PAF Commanding General Lieutenant General Arthur M. Cordura, kasama ang iba pang opisyal ng PAF, ang nasabing inagurasyon.
Ayon kay Cordura, ang bagong simulator na ito ay magpapalakas sa misyon ng PAF sa kahandaan at suporta sa tumataas na training demand ng lumalawak na helicopter fleet ng grupo.
Ang nasabing FMFS ay bahagi ng Horizon 1 ng AFP Modernization Program, kung saan mayroon itong dalawang interchangeable cockpit para sa S-70i Black Hawk at Bell 412EP na mga helicopters.
Layon nito na magbigay ng makatotohanang at ligtas na flight training para maensayo ang mga complex procedures at emergency scenarios ng mga piloto ng PAF habang nababawasan ang paggamit ng mga aktuwal na aircraft.
Dagdag pa ng ahensya, ang kapasidad na ito ay magpapalakas sa kahusayan ng mga piloto, mababawasan ang operational risks, mapapabuti ang training kahit may aircraft downtime, at makakatipid sa fuel at maintenance.









