Kinumpirma ng Philippine Airlines (PAL) na may isa pa silang pasaherong naka-confine sa ospital matapos masaktan makaraan mangyari ang severe turbulence sa kanilang flight sa Manila mula sa Los Angeles, California noong Linggo.
Ayon kay PAL spokesperson Cielo Villaluna, 9 na pasahero at 3 crew members ng flag carrier ang nasaktan sa air turbulence.
Inamin ng PAL na hindi na-detect ng mas maaga ng kanilang onboard weather radar system ang turbulence.
Nangyari ito isang oras bago lumapag ang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang mga nasaktang pasahero at crew members ay isinugod sa pagamutan ng NAIA Medical Team.
Sinabi ni Villaluna na sinagot ng PAL ang hospital bills ng mga biktima.
Sa post sa Facebook ng isa sa mga pasahero na si George Angel, kinumpirma nito na hindi nakakabit ang seatbelt ng mga nasaktang pasahero nang mangyari ang turbulence.
Isa aniya sa mga nasaktang pasahero ay ang maybahay niyang si Ellen na nauntog sa baggage compartment dahil sa lakas ng impact ng turbulence.