Iminungkahi ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na i-downgrade ang ating embahada sa Beijing, i-recall o pabalikin ang Philippine Ambassador at palitan siya ng lower-level diplomatic officer.
Ang suhestyon ni Rodriguez ay bilang pagpapakita ng galit at protesta sa paggamit ng water cannon ng China Coast Guard o CCG sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy sa West Philippine Sea (WPS).
Giit ni Rodriguez, hindi natin dapat palampasin ang panggigipit at pambu-bully ng China at ang patuloy nitong paglabag sa ating sovereignty rights sa WPS.
Kaugnay nito ay plano rin ni Rodriguez na maghain ng resolusyon sa Kamara na kumokondena sa CCG kaakibat ang panawagan na i-downgrade ang ating diplomatic representation sa China na tiyak makakapagpahina ng ating ugnayan sa nasabing bansa.
Samantala, hinggil dito ay nagpahayag naman ng suporta si Rodriguez sa mga hakbang ni Pangulong Marcos para palakasin ang defense treaty ng Pilipinas sa Estados Unidos at iba pang mga ka-alyadong bansa sa Asia-Pacific region.