Tiniyak ngayon ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez sa mga mambabatas ng Estados Unidos na walang paglabag sa karapatang pantao ang kontrobersyal na batas na Anti-Terrorism Law.
Kasunod na rin ito ng pag-apela ng apatnaput limang (45) US lawmakers sa pamahalaan na bawiin ang Anti-Terrorism Law dahil sa posibleng paglabag nito sa human rights.
Sa sulat na ipinadala ni Romualdez sa mga mambabatas, ipinaliwanag nito na sa ilalim ng Anti-Terrorism Act, malaya pa ring makakapagpahayag ng kanilang saloobin ang mga mamamayan sa pamamagitan ng freedom of expression at pagsasagawa ng mga adbokasiya, protesta, mass action at iba pang katulad na gawain na hindi magdudulot ng panganib sa buhay ng isang tao o nang publiko.
Nakapaloob din aniya sa batas ang ilang safeguards para maiwasan ang mga pang-abuso, tulad ng pag-aresto ng walang warrant.
Binigyan diin ni Romualdez na ang Pilipinas ay nananatiling committed sa pangakong proteksyonan ang kalayaan ng mga mamamayan, maging ang karapatang pantao.
Sinabi ni Romualdez na ang mga batikos ng ilang grupo ay isang paglilihis lamang sa tunay na layunin ng nasabing batas.
Nabatid na ngayong araw ay epektibo na ang Anti-Terrorism Law matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong July 3, 2020.