Philippine Arena, posibleng gawing viewing area sa inagurasyon ni President-elect Bongbong Marcos Jr.

Kinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) ang Philippine Arena sa Bulacan bilang lugar na pagtitipunan ng mga supporter ni President-elect Bongbong Marcos para mapanood nila sa malaking TV screen ang inagurasyon ng bagong pangulo sa June 30.

Ayon kay PNP Director for Operations Police Maj. General Valeriano de Leon, nakikipag-ugnayan na ang PNP sa kampo ni Marcos para sa paggamit ng Philippine Arena at ilan pang lugar na makaka-accomodate ng malaking bilang ng mga tao.

Ito ay dahil sa inaasahang pagdagsa sa Metro Manila ng mga gustong makibahagi sa makasaysayang okasyon.


Sinabi ni De Leon, limitado lang sa 1,200 ang kakasya sa National Museum, kung saan isasagawa ang inagurasyon.

Kaya plano ng PNP na mag-set ng malalaking LED TV sa mga iba’t ibang lugar sa Metro Manila upang hindi magsiksikan ang mga supporters sa palibot ng National Museum, bilang bahagi na rin ng ipatutupad na seguridad.

Ayon kay De Leon ang Philippine Arena ay makaka-accomodate ng 70,000 katao sa loob at 100,000 sa labas; habang ang Philippine Sports Center sa Pasig City ay makaka-accomodate naman ng 40,000 katao.

Facebook Comments