Philippine Army, itinangging myembro nila si Angelito Rencio na dawit sa viral road rage video sa Makati

Wala sa database ng Philippine Army ang pangalan ni Angelito Rencio.

Si Rencio ang nakaalitan ni Police Staff Sergeant Marsan Dolipas kamakailan sa Osmeña Highway, Barangay Pio Del Pilar sa Makati City.

Ayon kay Philippine Army Spokesman Col. Xerxes Trinidad, negatibo rin aniya ang pangalan ni Rencio sa roster ng mga Army Reservist kaya’t malinaw na ginagamit lamang nito ang Armed Forces of the Philippines (AFP).


Kung maaalala, nagpakilala si Rencio bilang retiradong Army Major gamit ang isang Civic Organization ID.

Nag-viral ang video ng 2 matapos magpambuno sa kahabaan ng Osmeña Highway.

Katwiran ni PSSgt. Dolipas, sinita niya ang naturang rider matapos makitaan ng baril na humantong sa alitan nilang 2.

Nang tangka umanong bubunot ng baril ang rider, naagaw ito ng pulis kaya’t hindi nauwi sa putukan.

Nakatakas naman si Rencio matapos magdahilang kukunin ang papeles ng kanyang baril sa kanilang tahanan.

Facebook Comments