Philippine Army, kinondena ang nangyaring pagpatay ng NPA sa 2 construction workers sa Northern Samar

Mariing kinokondena ng liderato ng Philippine Army ang nangyaring pagpatay ng New People’s Army (NPA) sa 2 construction workers sa Brgy. Quirino Las Navas town, Northern Samar.

Ayon kay Major General Camilo Ligayo, commanding general ng Philippine Army 8th Infantry Division ang mga biktima na sina Rowel Lebico at Hersan Cabe ay pawang biktima ng itinanim na anti-personnel mine ng NPA.

Aniya ang mga ito ay trabahador ng farm-to-market road project ng pamahalaan.


Sinabi pa ni Gen. Ligayo na pilit hinahadlangan ng mga rebelde ang mga proyekto ng pamahalaan lalo na sa mga liblib na lugar na pinamumugaran ng mga NPA.

Kasunod nito, hinihikayat ni Ligayo ang mga LGUs na aktibong makilahok sa laban kontra mga rebelde upang matamasa ang kapayapaan sa bansa.

Una nang nagpahayag ng tiwala ang militar na mawawakasan na rin ang insurhensya sa Eastern Visayas bago matapos ang taon dahil malapit ng mabuwag ang dalawa pang nalalabing New People’s Army guerilla front sa area of operations ng 8th ID na sakop ang Samar, Leyte at Biliran.

Facebook Comments