Philippine Army, kumpiyansa na matatapos na sa susunod na taon ang communist armed conflict

Naniniwala si Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Andres Centino na mawawakasan na ng militar ang communist armed conflict bago matapos ang termino ng Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na taon.

Ayon kay Lt. Gen. Centino na “on track” ang militar sa pagtupad sa utos ng pangulo na durugin ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), dahil na rin daw sa suporta ng buong administrasyon.

Tinukoy ni Lt. Gen. Centino ang sunod-sunod na tagumpay ng militar sa pagbuwag ng central committee, regional at sub-regional committees at guerilla fronts ng teroristang grupo.


Malaking dagok aniya sa kilusang komunista ang pagkaka-neutralize ng Philippine Army sa top NPA commander na nagmamando ng Nationwide operations ng teroristang grupo na si Jorge “Ka Oris” Madlos.

Namatay ito sa engkwentro sa Impasug-ong, Bukidnon nitong Sabado.

Sinabi pa ng Heneral, malaking tulong din ang nilikha ng Pangulo na National Task Force to End the Local Communist armed Conflict (NTF-ELCAC) kung saan katulong ng militar ang buong pamahalaan para mawakasan ang insurgency.

Facebook Comments