Philippine Army, mariing kinokondena ang nangyaring pananambang sa tropa ng militar sa Maguindanao del Sur

 

Tahasang kinokondena ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang pagpaslang sa apat na miyembro ng militar sa Tuayan 1, Datu Hoffer, Maguindanao del Sur kahapon.

Ayon kay 6ID at Joint Task Force Central (JTFC) Commander Major General Alex Rillera walang kalaban-laban ang mga tropa ng pamahalaan nang paslangin ang mga ito habang sakay ng isang sibilyan na sasakyan pabalik sa kanilang kampo.

Nabatid na galing sa bayan ang mga sundalo para mamili nang maganap ang insidente.


Sa ngayon, hindi muna isinasapubliko ng Philippine Army ang pagkakakilanlan ng mga nasawing sundalo dahil kailangan muna itong ipaalam sa kani-kanilang pamilya.

Samantala, tinawag naman ni Maj. Gen. Rillera na duwag at hindi makatao ang pananambang na ito ng mga kalaban na itinaon pa sa paggunita ng Ramadan at nalalapit na pag-obserba ng Semana Santa ng mga Kristiyano.

Facebook Comments