Philippine Army, mariing kinondena ang nangyaring bus bombing sa Tacurong City, kahapon

Tahasang kinokondena ng Joint Task Force Central at 6th Infantry (Kampilan) Division ng Philippine Army ang ginawang pagpapasabog ng isang unit ng Yellow Bus Lines Inc. sa Purok Duranta, Barangay Poblacion, Tacurong City, kahapon ng umaga.

Ayon kay Major General Roy Galido, commander ng 6ID at JTFC na maliwanag na paglabag sa human rights at international humanitarian law ang ginawa ng mga terorista.

Base sa mga report, patungo ng Tacurong ang naturang bus mula Kidapawan na may lulang 29 na pasahero, kung saan pagkadating sa terminal ay agad itong sumabog.


Nagresulta ito sa pagkasawi ng isang indibidwal at pagkasugat ng 11 katao.

Agad namang nai-deploy sa lugar ang JTF Central troops katuwang ang bomb disposal unit personnel.

Nagtalaga na rin ng mga checkpoint at pinaigting ang intelligence monitoring ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Sa ngayon, inaalam pa kung sinong grupo ang nasa likod ng nasabing krimen.

Facebook Comments