Namahagi ang Philippine Army ng iba’t-ibang klase ng mga gulay at bigas sa ilang mga residente ng Pasay at Makati.
Ayon kay Philippine Army Spokesperson Colonel Ramon Zagala, 500 pamilya sa Brgy. Southside sa Makati at 1,000 pamilya naman sa Brgy. 156 sa Pasay City ang nakatanggap ng mga gulay at bigas.
Bawat pamilya ay nakatanggap ng tatlong kilong bigas at tatlong kilong gulay.
Sinabi ni Zagala, ang mga pinamigay nilang gulay ay donasyon ng Lucio Tan Group at Jaime Ongpin Foundation habang ang mga bigas ay donasyon ng United Benguet Agri-Pinoy Trading Center Stakeholders Credit Cooperative.
Nagpasalamat naman ang Philippine Army sa mga nagbigay ng donasyon sa patuloy na pagtulong sa mga pamilyang lubhang apektado ng umiiral Enhanced Community Quarantine (ECQ).