Philippine Army, puspusan ang disaster response operations sa mga lugar na naapektuhan ng lindol

Tiniyak ni Philippine Army Chief Lt. Gen. Romeo Brawner Jr., na “round the clock” ang isinasagawang disaster response operations ng 5th at 7th Infantry Divisions ng Philippine Army sa mga lugar na naapektuhan ng malakas na lindol kahapon sa Northern Luzon.

Ayon kay Gen. Brawner, sinagip ng mga tropa ng 54th Infantry Battalion ang mga pasyenteng sakay ng ambulansya na stranded sa Sitio Balawa, Barangay Liwon, Asipulo, Ifugao.

Nagsagawa naman ng rescue operations ang mga tropa ng 71st Infantry Battalion sa mga residente ng Barangay Poblacion Norte, Lidlidda, Ilocos Sur.


Ang mga tropa naman aniya ng 548th Engineer Battalion ang nagtanggal ng mga debris sa Naguilian Road sa La Union.

Habang inilikas ng mga tropa ng 72nd Division Reconnaissance Company ang mga residente sa coastal barangays ng Santa Lucia, Ilocos Sur.

Nag-deploy naman ang 5th Infantry Division ng disaster response units at assets para tumulong sa mga biktima sa Cordillera and Cagayan Valley.

Kasunod nito, tiniyak ni Brawner na patuloy na naka-standby ang search, rescue and retrieval teams ng mga Army units sa Ilocos Region, Cordillera, at Cagayan Valley sa gitna ng possibleng panganib mula sa mga aftershock.

Facebook Comments