Tuloy-tuloy sa paghahanap ng nawawalang Cessna plane ang tatlong search and rescue teams ng Philippine Army.
Ayon kay Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad, dalawang squad na binubuo ng 19 na personnel ang sumusuyod ngayon sa liblib na lugar at shoreline ng Barangay Sapinit sa Divilacan.
Mayroon din aniyang 3rd squad na binubuo ng 15 personnel ang nagsasagawa ng search and rescue operations sa bulubunduking sakop ng Barangay Dicaruyan sa Divilacan.
Sinabi pa ni Col. Trinidad na hindi titigil ang Philippine Army sa paghahanap ng nawawalang Cessna plane.
Matatandaang naglaho ang Cessna single-engined plane makaraang mag-take off sa Cauayan Airport sa Isabela noong Enero 23 ng hapon kung saan may lulan itong anim na indibidwal.
Naglunsad na rin ang Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ng extensive search and rescue efforts para hanapin ang naturang Cessna plane.