Siniguro ng 10th Infantry “Agila” Division ng Philippine Army na mananatili silang naka alerto at hindi magpapakampante kahit na deklarado ng insurgency-free ang Davao Region.
Ayon kay 10th Infantry “Agila” Division Commander MGen. Nolasco Mempin, mananatili silang vigilante ng sa ganon ay maiwasan ang muling pagkabuhay ng mga makakaliwang grupo.
Aniya, magpapatuloy ang kanilang security at visibility patrols, ganundin ang kanilang assistance at facilitation ng livelihood programs sa mga rebeldeng nagbalik loob na sa pamahalaan.
Sinabi pa ni MGen. Mempin na target nilang ma-sustain ang tagumpay na nakamit sa Region 11 at maisasakatuparan aniya ito sa pamamagitan nang pagtutulungan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Tiniyak din nitong pakikinggan nila ang mga hinaing ng mga tao sa nasabing rehiyon upang makapagbigay ng kaukulang tugon para di na mauwi pa sa madugong pakikibaka.
Matatandaang pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang ceremonial declaration ng Davao Region bilang insurgency-free nito lamang October 27, 2022.