Siniguro ng pamunuan ng Philippine Army (PA) ang kanilang suporta sa kanilang counterpart ang Philippine National Police (PNP) sa pagbibigay seguridad sa nalalapit na inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa darating na June 30, 2022.
Ayon kay PA Spokesperson Col. Xerxes Trinidad, nakalatag na ang kanilang ipatutupad na security measures para tulungan ang PNP.
Nakaalerto aniya ang buong pwersa ng army sa buong bansa para tumugon sa anumang posibleng insidente na mangyari sa araw ng inagurasyon.
Aniya pa may inilaan din silang mga tropa para magsilbing standby force dito sa Metro Manila na nakahandang tumugon sa anumang hindi inaasahang pangyayari.
Palalakasin din ng Philippine Army ang kanilang intelligence monitoring upang maiwasan at mapigilan ang anumang tangkang pananakot o pananabotahe.
Samantala, nasa 15,000 police personnel mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) kabilang na ang mga force multipliers ang magbibigay seguridad sa inagurasyon sa susunod na Linggo.