Bumisita si Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) President Lugene Ang sa opisina ni Minority Leader Marcelino Libanan at personal na humiling ng tulong para tutukan ang mga kaso ng pagdukot lalo na sa Filipino-Chinese community.
Ayon kay Ang, sa nakalipas na 10 araw ay nasa 56 ang kaso ng kidnapping sa bansa na kanilang naitala at hindi pa kasama rito ang mga unreported case.
Bunsod nito ay umaapela si Ang sa Kamara at sa Philippine National Police (PNP) na tulungan silang ibalik ang ligtas at payapang komunidad sa pamamagitan ng pagiging aktibo at agarang pagkilos upang mapigilan ang anumang tangka o pagdami pa ng mga kaso ng pagdukot ng mga kriminal o sindikato.
Bilang tugon ay nangako naman si PNP Deputy Chief for Administration Jose Chiquito Malayo ng tulong sa PCCI kasabay ang paghikayat sa mga pamilya ng mga biktima ng kidnapping na magtungo sa kanilang opisina.
Binanggit naman ni Malayo na batay sa kanilang pagbabantay ay nasa 4 na insidente lang ng abductions ang kanilang naitala na ang isa ay POGO-related habang ang tatlo ay regular na kidnapping incidents na ang mga suspek ay mga dayuhan o pawang mga Chinese national.
Ayon kay Malayo, nakipag-ugnayan na rin siya sa NCRPO na nagsabing maayos pa naman ang sitwasyon sa Kalakhang Maynila, habang ang Manila Police District (MPD) ay may ugnayan na sa Filipino-Chinese community sa lungsod gaya sa Binondo.