Philippine Coast Guard, humiling na sa Marshall Islands na magsagawa ng inspeksyon sa oil tanker na nakabangga sa bangka ng mga mangingisda sa Pangasinan

Naipabot na ng Philippine Coast Guard sa Marshall Islands, ang kanilang kahilingan na payagan silang makapag-inspeksyon sa barko na nasangkot sa pagkakabangga sa bangka ng mga Pilipinong mangingisda sa bahagi ng karagatan sa Pangasinan.

Sa bagong pilipinas ngayon, sinabi ni PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na sumulat sila sa Marshall Islands kaugnay dito.

Hiniling din ng PCG, na makapagsagawa sila ng crossmatching sa mga nakuhang sample ng pintura sa nabanggang bangka ng mga mangingisda na FB Dearyn at ng nakabanggang oil tanker na MT Pacific Anna.


Sa ngayon, naghihintay ang PCG sa tugon ng Marshall Islands kaugnay dito.

Matatandaan, naganap ang trahedya nitong October 2 sa Agno, Pangasinan kung saan tatlo sa mga mangingisdang sakay ng FB Dearyn ang nasawi kabilang ang kapitan ng bangka.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, hindi nakita at hindi namalayan ng oil tanker na may nabangga silang bangka dahil madilim ang kapaligiran at masama ang panahon nang nangyari ang aksidente.

Facebook Comments