Nakatakdang makipag-appointment ang Consul sa Sydney Australia sa kapatid ng Pilipinong tinangayan ng dalawang anak sa Australia.
Ayon kay Jess Garcia, tumawag sa kaniya ang secretary ng Consul ng Sydney Australia upang ipaalam kung ano ang kanilang magagawa para matulungan ang kapatid nito na nakakulong at maibalik na rin ang dalawang anak na tinangay noon pang 2014.
Una rito, tinawagan ni Senator Christopher Bong Go ang Philippine Consulate sa Sydney Australia kung saan inatasan ng senador na imbestigahan at tulungan ang Pinoy na tinangayan ng dalawang anak at ipinakulong habang si Senator Ramon Revilla Jr. naman, ay gigisahin umano niya ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa darating na Biyernes sa isasagawang Budget Hearing at aalamin kung anong tulong naman ang kanilang naibigay sa isang Pinoy na tinangayan ng dalawang anak at ipinakulong pa.
Samantalang si Senator Imee Marcos naman ay humihingi ng kopya ng kaso upang pag-aralan ang tulong legal para mabawi ang dalawang bata at mapalaya ang ikinulong na si Coy Garcia.
Umaasa si Garcia na mabibigyan ng hustisya ang sinapit ng kaniyang kapatid at mababawi na rin ang dalawang pamangkin nito upang maging masaya naman ang kanilang kapaskuhan.