
Nagbabala ang Philippine Consulate sa Macau sa mga Pilipinong nagsasanla ng kanilang Philippine passport
Ayon sa Konsulada ng Pilipinas, bawal gamitin ang passport bilang collateral sa utang.
Ito ay dahil may katapat itong parusa sa batas ng Pilipinas na pagkakakulong ng hindi bababa sa anim (6) na taon at isang (1) araw at hindi hihigit sa labindalawang (12) taon.
Bukod ito sa multang hindi bababa sa isang daang libong piso (P100,000.00) at hindi naman hihigit sa dalawandaan limampung libong piso (P250,000.00).
Nilinaw rin ng Philippine Consulate na bawal kunin ng sinumang creditor o pinagkakautangan ang passport bilang garantiya sa utang.
Ito ay dahil sa pagmamay-ari ng gobyerno ng Pilipinas ang passport ng sinomang Pinoy.
Nagbabala rin ang Konsulada na ang pasaporte na mapapatunayang ginamit bilang collateral o garantiya sa utang ay agad na ikakansela ng Consulate.









