Dumipensa ang Philippine Council for Agriculture and Fisheries sa mga reklamo ng ilang samahan sa agrikultura at pangisdaan na hindi sila nakokonsulta pagdating sa mga ipinatutupad na mga polisiya ng Department of Agriculture (DA).
Hirit ng ilang stakeholders, paano makakamit ang mga nilalayon sa katatapos na food summit kung hindi naman sila nakokonsulta sa mga tunay na problema at maisama sa estratehiya ng ahensya.
Sa virtual pressers ng DA, sinabi ni Assistant Secretary Liza Battad na siya ring Co-chair ng 2021 National Food Security Summit Steering Committee, na hindi lahat ng mga desisyon ng DA ay kinakailangang idaan sa consultative process dahil may pagkakataong mabilisan ang pagharap sa mga problema o sitwasyon.
Aniya, nauunawan nila na nanggagaling ang ganitong feedbacks sa mga stakeholder na nagnanais ng direct involvement sa mga specific na concerns na minsan ay hindi nakukuha.
Ikinalugod din ni Battad ang pang-73rd place ng Pilipinas sa global food security index.
Isa aniya itong inspirasyon para mapalakas pa ang mga most impactful commodities.
Dahil dito, hiningi ni Battad ang tulong ng mga Local Government Units (LGUs) sa pag-develop ng mga bagong teknolohiya, pagbibigay kagalingan sa mga extension workers at sa mga farmers at fishery organizations sa bansa.