Nakakatanggap umano ng “hate emails” ang Philippine Embassy sa Beijing mula sa mga anonymous na Chinese citizens.
Sa ginanap na pagdinig ng Commission on Appointments para sa kumpirmasyon ng ad interim appointment ng 16 na opisyal ng DFA, naitanong ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa kung may mga ulat ba ng panghaha-harass at pambu-bully ng China sa ating mga kababayan na may kaugnayan sa tensyon sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Beijing minister at consul general Arnel Talisayon na paminsan-minsan ay nakakatanggap sila ng hate emails mula sa mga walang pangalan na Chinese citizens.
Gayunman, wala naman aniya silang natatanggap na reklamo ng panghaharass ng mga Chinese sa mga Filipino community sa Beijing.
Hinimok naman ni Dela Rosa si Talisayon na patuloy lamang na magbantay sa sitwasyon para mapangalagaan ang ating mga kababayan sa gitna na rin ng hindi humuhupang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.