Kasunod ng deklarasyon ng Russia ng Martial Law sa ilang lugar sa Ukraine, nagsasagawa ngayon ng monitoring sa mga Pilipino sa Ukraine ang Philippine Embassy sa Warsaw, Poland at ang Honorary Consulate General sa Kyiv, Ukraine.
Layon nito na ma-update ang pamahalaan sa kalagayan ng mga Pinoy na naiwan sa Ukraine.
Sa ngayon, natunton na ng Philippine Embassy sa Warsaw at ng Honorary Consulate General sa Kyiv ang 25 Filipinos sa Ukraine.
Karamihan sa kanila ay nakatira sa Kyiv, at hindi sa mga lugar na kabilang sa mga isinailalim ng Russia sa Martial Law.
Tiniyak naman ng Embahada at ng Konsulada ng Pilipinas na handa silang i-repatriate ang mga Pinoy na nais nang umuwi ng Pilipinas.
Magugunitang sa unang anim na buwan ng taong ito ay nailikas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang 450 Pinoy mula Ukraine kung saan 400 sa kanila ay napauwi ng Pilipinas matapos ang pagsiklab ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.