Pinapayuhan ng Philippine Embassy sa Tehran ang lahat ng mga Pilipino na naninirahan sa Islamic Republic of Iran na mag obserba at sundin ang mga direktiba ng Ministry of Health and Medical Education (MoHME).
Ayon sa Department of Foreign Affairs o DFA, batay sa anunsyo inilabas ng local Iranian health authorities, dapat makipagtulungan ang lahat sa mga pagsisikap na maiwasan ang pagkalat ng Corona Virus Disease o COVID-19.
Kinumpirma ng DFA na wala naman sa ngayon na naiulat na mga Pilipino sa Iran na nahawahan ng COVID-19.
Pinaalalahanan din ang mga Pinoy sa Iran na sundin ang payo ng DOH sa mga hakbang sa pag-iwas sa naturang virus.
Kabilang dito ang palagiang paghugas ng kamay, umiwas sa mga taong may sintomas ng COVID-19, lutuing maigi ang mga pagkain, umiwas sa paglapit sa mga hayop sa bukid at magpakunsulta agad sa doctor kung makakaramdam ng sintomas ng COVID-19.
Iwasan din ang paglalakbay kung hindi naman kinakailangan at iwasan ang pagdalo sa mga pagtitipon sa pampublikong lugar.
Ayon sa Embassy, patuloy silang naka-monitor sa development ng nasabing outbreak sa Iran at regular ang pakikipag-ugnayan sa Fililpino community upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pinoy doon.
Nakahanda naman ang Embahada na magbigay ng tulong sa mga Pilipino sa Iran na nababahala sa pamamagitan ng kanilang Assistance to Nationals o ATN.