Inihayag ng Philippine Embassy sa Washington, D.C. na wala pa silang natatanggap na ulat hinggil sa mga Pinoy na nasaktan o nasawi sa pananalasa ng Hurricane Ian sa Florida, United States.
Bagama’t malawak ang iniwang pinsala ng hurricane sa southwest Florida at 31 katao ang nasawi ay walang mga Pilipino ang kasama rito.
Sa abiso ni Vice Consul Mark Dominic Lim ng embahada, wala pa umanong ulat ang natatanggap mula sa mga Pilipino na humihingi ng tulong o naapektuhan dahil sa kalamidad.
Kaugnay nito, patuloy silang nakakatutok at nakamonitor sa mga Pinoy sa Florida.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng embahada sa mga Filipino community para malaman ang kanilang kalagayan at masiguro na ligtas sila sa Hurricane Ian.
Sa huling tala ng embahada, mayroong 167,000 mga Pinoy ang naninirahan sa Florida.