Philippine Hospital Association, umapela sa mga pasyenteng may mild COVID symptoms na magtungo na lang muna sa maliliit na ospital

Umapela ang pinuno ng Philippine Hospital Association (PHA) sa mga pasyente na may mild COVID-19 symptoms na magpa-confine muna sa mas maliliit na ospital sa halip na magtungo sa malalaking pagamutan.

Ito ay sa gitna ng nararanasang “overloaded capabilites” ng malalaking ospital gaya ng Philippine General Hospital at St. Luke’s Medical Center.

Ayon kay PHA President Dr. Jaime Almora, kadalasan namang hindi nangangailan ang mga may mild cases ng “critical equipment” na mayroon ang malalaking ospital.


Aniya, kahit kaya nilang palawigin ang kanilang operasyon, limitado at overworked na ang kanilang mga healthcare workers.

Para kay Almora, hindi “timeout” ang solusyon sa problema kundi reinforcement ng dagdag na manpower na maaari aniyang makuha sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.

Aniya, libu-libong nurse mula sa private hospitals ang lumipat sa PNP at AFP nang taasan ng gobyerno ang kanilang sahod.

Samantala, sa interview ng RMN Manila, pinayuhan ni Private Hospitals Association of the Philippines (Phap) President Dr. Jose Rene De Grano ang mga pasyente na tumawag muna sa One Hospital Command bago magtungo sa mga ospital.

Facebook Comments