Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent, tuloy sa kanilang misyon sa Myanmar

Puspusan ang ginagawang search, rescue, retrieval at medical operations ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) sa Myanmar para tumulong sa mga biktima ng magnitude 7.7 na lindol.

Sa update mula sa Office of Civil Defense (OCD) nitong April 6, bumalik ang Urban Search and Rescue (US&R) Team sa Jade City Hotel para sa retrieval operations sa basement ng nasirang Entertainment Building kasama ang mga tauhan mula Vietnam, Indonesia, Singapore, at lokal na rescuers ng Myanmar pero dahil sa delikadong kondisyon ng gusali napilitan silang ihinto ang operasyon.

Nagpulong din ang PIAHC Liaison Officer at Public Information Officer (PIO) sa mga kaanak ng apat na nawawalang Overseas Filipino Workers (OFWs) para maghatid ng updates at suporta.

Samantala, ligtas at nasa maayos na kalagayan ang lahat ng miyembro ng Philippine contingent na nasa Myanmar na simula April 1 & 2, 2025.

Una nang sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Usec. Ariel Nepomuceno na nakahanda silang magpadala ng isa pang team na hahalili sa naunang batch ng Philippine contingent makalipas ang dalawang linggo para makapahinga naman ang mga ito at hindi magkasakit.

Facebook Comments