Pumalag ang Philippine Medical Association (PMA) sa binitawang pahayag ni Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion na pulos salita lamang ang mga doktor pero walang ginagawa.
May kaugnay ito sa pagdepensa ni Concepcion sa paggamit ng rapid test kit ng mga nagbabalik na sa trabaho.
Sa isang statement, sinabi ni Jose Santiago, presidente ng naturang samahan ng mga doctor, na hindi sila naglalabas ng pahayag na hindi nakabatay sa masusing pagsasaliksik o pag-aaral.
Aniya, lahat ng kanilang pahayag patungkol sa COVID-19 ay dumaan sa pagsusuri ng kanilang mga espesyalista o eksperto.
Dagdag ni Santiago, kung kumpiyansa si Concepcion na epektibo ang rapid anti-body test para malaman kung may COVID-19 ang pasyente, hindi na niya dapat maliitin ang mga frontliner na isinusuong ang peligro, makapagligtas lamang ng buhay.
Aniya, ang kanilang inilalabas na impormasyon ay resulta ng mga nakalap na datos sa nakalipas na linggo at hindi fake news.