Kinumpirma ni Philippine Navy Chief Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo na isang Navy Captain ang binawian ng buhay dahil tinamaan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Bacordo, August 5 ng gabi nang isugod sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Medical Center ang Navy Captain matapos makaranas na pagtaas ng lagnat at hirap sa paghinga kaya agad itong na-intubate pero pagsapit ng August 6 ay binawian ito ng buhay.
Sinabi pa ni Bacordo, galing sa Fort Bonifacio ang biktima ngunit inilipat sa Manila Naval Hospital dahil sa nararanasang mga sintomas ng COVID -19 ngunit dahil sa lumalalang kondisyon ay inilipat ito sa AFP Medical Center at doon na siya binawian ng buhay.
Namatay na ito bago na i-swab test at natukoy na positibo ito sa COVID-19.
Samantala, inihayag naman ni AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo na hanggang August 8, 2020, umaabot na sa 1,137 na mga tauhan ng AFP ang infected ng SARS-CoV-2 Virus na maaring maging COVID-19.
Aniya, sa bilang ng mga infected ay 473 lamang ang active cases habang 138 sa mga naging infected ay nakarekober na at hinihintay na lang ang kanilang medical clearances.
517 ang cleared at nakabalik na sa kanilang mga duty ngunit 10 AFP personnel na ang namatay.
Ipinagutos na ni AFP Chief Lt. Gen. Gilbert Gapay sa mga commander na tutukan ang mga tauhang naging infected ng nakamamatay na virus.
Sa kabila, nito tiniyak ni Lt. Gen. Gapay na magpapatuloy ang operasyon ng AFP upang mapanatili ang kapayapaan at mahigpit na seguridad sa buong bansa.